Tuesday, November 9, 2010

“Paltos sa Kawalan”


“Paltos sa Kawalan”
(ang katamaran ng mga Pilipino)

Minsan na tayong ginuho ng mga pagpapaalipin
Nagpakapagod tayo para sa dayuhang hangarin
Pilit umaangal ang mga sikmurang nabibitin
Tumulo ang mga pawis na hindi dapat sa atin

Noon nakagapos tayo sa paggawang sapilitan
Nakatali ang aliping pagiisip sa dayuhan
Hindi natin magawang umalma o pumalag man lang
Nagpakahirap sa iba para sa kaligtasan

Subalit ngayon na tuwid at maluwag ang lansangan
Bakit hindi natin magawang bumangon sa higaan?
Kung buhay si Rizal siya ay magugulumihanan
Ang sarili nga ba ang tanging hadlang sa katamaran?

Bakit ang iba ay sugal ang siyang inaasahan
Nagpapasilaw sa mithiing biglaang pagyaman
Sa halip na kumilos ay nakikipagsapalaran
Nagaabang nga ba ng suwerte na suntok sa buwan

Marami ang sa atin ang umaasa sa simbahan
Nananalig sila para sa grasyang inaasahan
Tuloy ang pagtayo at pagluhod ng mga mamamayan
Sana lang ay hindi ito magdulot ng katamaran

Kung patuloy tayo na sa himala ay nagaantay
Tumatakbo pa rin ang daloy ng “panis na laway”
Habang mayroong takot marumihan ang mga kamay
Pagbangon sa bawat umaga ay walang saysay!

Kung patuloy ang pagtulog at pagwawalang bahala
Ang hindik ng ating katamaran ay lalong lulubha
Marahil umaasa, sa malayo nakatulala
‘di maglalaon aapaw ang mga musmos na luha

Kung mananatiling nakatayo at tamad lumakad
Para saan pa ang mga matatamis na hinahangad
Nakabitin na pagunlad ay patuloy na sasadsad
Mananatili na lang bang nakatago ang mga palad?

Mistulang mga katawan ng musmos na naghihikahos
Bakit hindi magawang magsikap para makaraos
Hindi magawang tumayo para umukit ng paltos
Isang sugat na dapat bumuhos sa tamang bulaos

Kailan kaya bibisita ang sipag sa ating isipan?
Kailan gagalaw ang mga paralisadong katawan?
Hanggang kailan gagawing opisina ang lansangan?
Kailan mauubos ang nakatingin sa kawalan?

No comments:

Post a Comment