Tuesday, November 9, 2010

Kaakbay sa Paglakbay




Kaakbay sa Paglakbay
by: Neil Gabriel G. Bonto

Sa iyong matulin na paglalakad
Mga mata ay huwag isayad
Hindi kailangang maging matangkad
Para maabot ang makinis na palad

Ang mga sagot sa isipan ay wala sa iisang kanto
Humulma ng daan at huwag maging panatiko
Kung may mga balakid ay hindi dapat paapekto
Sa sariling paraan ay dapat na makuntento

Sikaping luminis at lumawak ang daraanan
Maging pugad sana ng maliwanag na kapalaran
Ang ligalig sa buhay mo ay dapat paglabanan
Kung ninanais mayakap ang kaginhawaan

Iwasang magmadali, manatiling mabilis
Matutong makuntento, huwag magmalabis
Mga paltos ng paa piliting matiis
Sa huli makakamtan ang buhay na matamis

Pakinggan ang mga kasalubong mabuti man o masama
Tumindig ng maayos at huwag padarapa
Panatilihing may baon ng malinis na pangunawa
At ang Diyos ay parating itanim sa puso at diwa

Sa sikat ng araw ay hindi dapat pasilaw
Buksan ang mga tainga sa huni ng mga sigaw
Mga boses ng hinaharap na dapat mong matanaw
Magsisilbing gabay para hindi ka maligaw

Sa iyong mahabang paglalakbay
Tanging anino mo ang kaakbay
Tamang bilang ng sagwan para makasabay
Sa agos ng buhay na sa iyo nakasalalay

Kalimutan ang hakbang huwag lang ang nadaanan
Tila bulag kang gumagapang kung wala kang natandaan
Sa mga palamuti ng nakalipas na iyong nasilayan
Piliing mabuti kung ano ang tunay na kayamanan

1 comment:

  1. wow, eto pala yun...nice naman e..mahahasa ka pa bata.hehe. :P

    ReplyDelete